Kung regular kang sumusubaybay sa blog na ito, mapapansin mo na ang mga ideya ay magkaka-ugnay. Medyo naging madali sa akin na sumulat sa blog na ito dahil ang mga katuruan ng Simbahang Katoliko ay parang sapot ng gagamba na magkakakonekta sa isa’t isa.
Sa blog post na ito, ibabahagi ko yung mga pangunahing ideya na tumatayong “skeleton” ng blog na ito.
Eto na…
Krus
Ang krus ay binubuo ng dalawang “dimension”. Isang vertical (patayo) at isang horizontal (patayo). Sa Krus makikita ang pinaka-basic na idea ng Pananampalatayang Kristiyano. At naniniwala ako na hindi nagkataon na Krus ang pinili ng Diyos upang maging simbolo ng kanyang pag-ibig at pagliligtas sa atin.
Pinakamahalangang Utos
Dito natin makikita ang kaugnayan ng krus sa pinakamahalagang utos sa Biblia….
Sapagka’t gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang sinomang sa kaniya’y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. (Juan 3:16 AB)
Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pagiisip mo. At ang pangalawang katulad ay ito, Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili. Sa dalawang utos na ito’y nauuwi ang buong kautusan, at ang mga propeta. (Mateo 22:37,39-40 AB)
Ang vertical dimension ng Krus ay kumakatawan sa pag-ibig ng Diyos sa tao at ng tao sa Diyos. Samantalang ang horizontal dimension naman ay ang pag-ibig ng tao sa kapwa niya.
Sampung Utos ng Diyos
(para sa article tungkol sa Sampung Utos click mo dito)
Ang unang tatlong utos ay para sa maayos at magandang relasyon ng tao sa Diyos, ang pitong sumunod naman ay para sa maayos at magandang relasyon ng tao sa kapwa niya.
Tulad ng “Pinakamahalagang Utos” mababakas pa rin natin yung vertical at horizontal dimension ng Krus sa Sampus Utos. Vertical para sa unang tatlong utos, horizontal sa pitong kasunod.
Linggo ang Sabbath ng mga Kristiyano
Ang araw ng Linggo ang unang araw sa loob ng isang linggo sa kalendaryong Kristiyano. Ang araw ng Linggo ang Sabbath ng mga Katoliko dahil ito ang araw ng pagpapahinga sa biyaya ng Panginoon. Ang sumunod na anim na araw ay mga araw ng paggawa ng mabuti.
Mababakas rin natin sa pagkakaayos na ito ng sanlinggo ng mga Kristiyano ang “Pinamakamahalagang Utos” at pagkakahati ng “Sampung Utos” ang pagkakaroon ng pangunahing importansya ng relasyon ng tao sa Diyos kasunod ang pakikipagkapwa tao.
(para sa article tungkol sa Sabbath click mo dito)
Biyaya, Pananampalataya at Mabuting Gawa
Naunang nagmahal sa atin ang Diyos kahit hindi tayo karapatdapat mahalin. At walang anumang mabuting gawa ang sasapat para maging dahilan para mahalin niya tayo. Bago pa man tayo magkaroon ng kakayahang gumawa ng mabuti mahal na niya tayo. Biyaya ang tawag dun.
Tinatanggap natin ang biyayang ito sa pamamagitan ng pananampalataya. At kahit ang pananampalatayang ginamit natin sa pagtanggap ng biyaya ay mula pa rin sa biyaya ng Diyos. Ang pananampalataya ay pagtitiwala sa sakripisyong ginawa ng Panginoong Jesus sa Krus para sa kaligtasan natin. Ang pananampalataya ay pagtitiwala at paniniwala rin sa kanyang mga kautusan at mga pangako. Pero hindi yun natatapos dun. Hindi sapat ang pananampalataya lang para sa kaligtasan.
Huhukuman tayo ng Diyos sa Araw ng Paghuhukom ayon sa ating mga ginawa. Ang biyayang tinanggap natin sa pamamagitan ng pananampalataya ay dapat na magbunga ng mabuting gawa.
Ano ang kaugnayan ng Biyaya, Pananampalataya at Mabuting Gawa sa ibang naunang tinalakay? Simple lang. Biyaya ang pagkakaroon ng relasyon ng tao sa Diyos kahit hindi siya karapatdapat – vertical dimension ng krus. Kung ang pananampalataya naman ay pagtitiwala at paniniwala sa kautusan at mga pangako ng Panginoong Jesus dapat paniwalaan ang sinabi niyang…
Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pagiisip mo. At ang pangalawang katulad ay ito, Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili. Sa dalawang utos na ito’y nauuwi ang buong kautusan, at ang mga propeta. (Mateo 22:37,39-40 AB)
Paano ipapakita ang pag-ibig sa Diyos at sa kapwa ayon sa Panginoon?
At sasagot ang Hari at sasabihin sa kanila, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Yamang inyong ginawa sa isa dito sa aking mga kapatid, kahit sa pinakamaliit na ito, ay sa akin ninyo ginawa. (Mateo 25:30 AB)
Ang pananampalataya ay nasa parehong vertical at horizontal dimension. Ang mabuting gawa, horizontal.
Conclusion
Ngayon, pag-ugnay-ugnayin na natin…
Biyaya, relasyon ng Diyos sa tao at ng tao sa Diyos = vertical dimension ng krus = pinakamahalagang utos (pag-ibig sa Diyos = unang tatlong utos sa Sampung Utos = unang araw ng sanlinggo (Linggo, Sabbath).
Pananampalataya, relasyon ng tao sa Diyos at sa kanyang kapwa.
Mabuting gawa, relasyon ng tao sa kapwa tao = horizontal dimension ng krus = pinakamahalagang utos (pag-ibig sa kapwa) = 4th to 10th commandment sa Sampung Utos = Lunes hanggang Sabado.
[Paglilinaw: hindi nangangahulugan na sasambahin lang ang Diyos kapag araw ng Linggo at gagawa lang ng mabuti sa kapwa kapag kapag Lunes hanggang Sabado lang. Ang buong isang linggo ay dapat ialay sa Diyos bilang pagsamba kaya kahit ang paggawa ng mabuti sa kapwa araw-araw ay bahagi ng pagsamba sa Diyos.]
(Para sa article tungkol sa Biyaya, Pananampalataya at Mabuting Gawa click mo dito)
Yan ang pinaka-skeleton ng mga article sa blog na ito. Nung nagsisimula pa lang ako sa blogging, malinaw na malinaw na sa isip ko ang koneksyon ng mga yan.
Hindi kumpletong listahan yan, may mga hindi na ako isinama pero inaasahan ko na sa pagbabahagi ko nito ay mas madaling maiintindihan ng mga bumabasa ng mga article sa blog na ito yung nais kong iparating.
Maraming salamat sa pagbabasa!
hi! berto sa bible ang ay sabbath day,ang araw na yan sabado. bkt sa catholic ay iniba but naging linggo, cnabi ni cristo ibahin natn ang araw ng sabado gawin natin linggo.
Source: https://pilipinongkatoliko.wordpress.com/2013/07/30/ang-sampung-utos-ng-diyos-binago/#comment-1603