Minsan, may nakausap akong miyembero ng “Members Church of God International” (MCGI, mas kilala sa tawag na Ang Dating Daan).
Ang pinag-usapan namin e tungkol sa pagiging tao ng Panginoong Jesus. Naniniwala kasi sila na si Jesus ay hindi tao. Diyos siya na nagkatawang tao. Ang mga Katoliko naman naniniwala na ang Panginoong Jesus ay Diyos na nagkatawang tao at sa kanyang pagkakatawang tao siya ay isandaang porsyentong tao ngunit nananatili ang kanyang pagka-Diyos.
May mga batayan mula sa Biblia yung doktrina ng Simbahang Katoliko tungkol sa pagiging totoong Diyos at totoong Tao ng Panginoong Jesus. Pero hindi yun ang ikukwento ko dito sa blog post na ito.
Napansin ko lang kasi, nung lumilinaw na yung biblikal na batayan ng pagiging totoong Diyos at totoong tao ni Cristo – na doktrina ng Simbahang Katoliko, biglang nag-quote yung kausap ko ng bible verse na ganito ang sinasabi…
At hayag ang mga gawa ng laman, sa makatuwid ay ang mga ito: pakikiapid, karumihan, kalibugan, Pagsamba sa diosdiosan, pangkukulam, mga pagtataniman, mga pagtatalo, mga paninibugho, mga pagkakaalitan, mga pagkakampikampi, mga pagkakabahabahagi, mga hidwang pananampalataya, Mga kapanaghilian, mga paglalasing, mga kalayawan, at ang mga katulad nito; tungkol sa mga bagay na ito ay aking ipinagpapaunang ipaalaala sa inyo, tulad sa aking pagpapaalaala nang una sa inyo, na ang mga nagsisigawa ng gayong mga bagay ay hindi magsisipagmana ng kaharian ng Dios. (Galacia 5:19-21 AB)
Sabay bitaw ng, “Kayong mga Katoliko ganyan, kaya hindi kayo makakapasok sa kaharian ng Diyos”.
Ibig sabihin dahil Katoliko ang isang tao kaya siya nakikiaapid, nalilibugan, sumasamba sa diyus-diyosan, nangkukulam etc. Sa madaling sabi, Katoliko kasi ang isang tao kaya siya makasalanan. At, ang implikasyon, miyembero kasi siya ng MCGI kaya banal siya.
Sinabi sa akin nung nakausap kong miyembro ng MCGI na ang Simbahang Katoliko daw ay hindi nagtitiwalag kahit manginginom, babaero, sugarol, etc. Sila daw itinitawalag nila ang makasalanang miyembero. At alam niyang umiinom ako ng beer kaya ginamit niya sa akin ang Galacia 5:19-21. Sabi niya, try ko daw sumama sa Bible Exposition nila. Sabi ko makasalanan ako, baka hindi pa ako nagme-member e itiwalag na ako. Saklap.
Kuwestiyonable ang pangangaral ng salita ng Diyos kapag makamundo ang pamumuhay ng nangangaral. Pero sa palagay ko hindi yun ang problema ng mga tumutuligsa sa pananampalatayang Katoliko kasi nakikita lang nila ang (mga kasalanang) gusto nilang makita sa mga Katoliko pero ayaw nilang tanggapin na ang mga santo ng mga nagdaang henerasyon ay nabuhay sa kabanalan tulad nina Saint Francis of Assisi at Mother Theresa. Para sa mga hindi Katoliko hindi sapat ang pamumuhay sa kabanalan ng mga santo para tumigil sila sa pagturing sa mga Katoliko na makasalan dahil Katoliko sila.
Para sa akin walang dating yung nangangaral na ipinamumukha niya sa iba na makasalanan sila at banal na banal siya – siya lang. Walang dating kasi hindi makarelate yung taong binabahaginan ng salita ng Diyos. Parang alien na nahulog dito sa lupa ang nagsasalita. Alien ha, hindi anghel. Hindi makarelate ang iba kasi siya lang ang banal at makasalanan ang lahat. Buti pa ang Panginoong Jesus banal pero itinuring na may kasalanan kahit wala naman…
2Corinto 5:21 (MBB05) Hindi nagkasala si Cristo, ngunit dahil sa atin, siya’y itinuring na makasalanan upang sa pamamagitan niya ay maging matuwid tayo sa harap ng Diyos.
Mahirap makipag-usap sa taong banal na banal ang tingin sa sarili. Kapag masyadong banal ang tingin sa sarili ng isang tao, nagiging sarado ang isip. Nakakalimutan niyang siya mismo may kahinaan rin at nangangailangan ng Tagapagligtas.
Anong problema sa paggamit ng Galacia 5:19-21 para ipangtuligsa sa mga Katoliko? Yun kasing mga gumagawa nito, nakakalimutan na makasalanan ang tao dahil tao siya, hindi dahil Katoliko siya (o kung anuman ang relihiyon niya). Nagiging banal ang tao dahil sa biyaya ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya kay Kristo na gumagawa sa pag-ibig, hindi siya nagiging banal dahil sa paglipat ng sekta. Kaya mali ang iniisip ng nakausap kong MCGI na makamundo ang tao dahil Katoliko siya at magiging banal siya kapag nag-MCGI siya (at pag nag-MCGI siya at hindi naging banal ititiwalag).
May mga dating Katoliko na naging Born Again na “nagpapatotoo” na noong hindi pa daw siya “Christian” – ibig sabihin, noong Katoliko pa sila – e babaero daw sila, sugarol, manginginom. Ngayon daw bagong buhay na sila. Ang sisi nasa pananampalatayang Katoliko. Pero wala akong mabasa sa catechism na dapat sugarol, dapat manginginom at dapat babaero ang isang Katoliko. Totoo ang sinasabi ng mga Born Again na hindi ito tungkol sa relihiyon, kaya hindi dapat iniiwan ng mga Katolikong babaero, sugarol at manginginom ang pagiging Katoliko nila kapag meron na silang “personal relationship with Jesus as Lord and Savior”. Ang pamumuhay bilang Katoliko ang dapat na binabago hindi yung sektang inaaniban.
Bakit hindi agad-agad nagtitiwalag ang simbahan ng mga miyembrong makasalanan?
Luk 19:10 – Sapagka’t ang Anak ng tao ay naparito upang hanapin at iligtas ang nawala.
Joh 3:17 – Sapagka’t hindi sinugo ng Dios ang Anak sa sanglibutan upang hatulan ang sanglibutan; kundi upang ang sanglibutan ay maligtas sa pamamagitan niya.
Mat 18:11 – Sapagka’t ang Anak ng tao ay naparito upang iligtas ang nawala.
Ang misyon ng Simbahan e kalingain at turuang magbagong buhay ang mga makasalanan. E kung puro pagtitiwalag ang gagawin ng Simbahan malamang ako na ang unang unang matitiwalag at malamang wala nang matitirang miyembro ang Simbahan dahil lahat tayo makasalanan.
Ang Simbahan ay ospital para sa mga may sakit na kung tawagin ay kasalanan…
Luk 5:31 At pagsagot ni Jesus ay sinabi sa kanila, Ang mga walang sakit ay hindi nangangailangan ng manggagamot; kundi ang mga may sakit.
Saka hindi naman nakakapagtaka na maraming makasalanan sa Simbahan dahil sabi ng Biblia…
Mat 13:47-50 (Ang Biblia) – Tulad din naman ang kaharian ng langit sa isang lambat, na inihulog sa dagat, na nakahuli ng sarisaring isda: Na, nang mapuno, ay hinila nila sa pampang; at sila’y nagsiupo, at tinipon sa mga sisidlan ang mabubuti, datapuwa’t itinapon ang masasama. Gayon din ang mangyayari sa katapusan ng sanglibutan: lalabas ang mga anghel, at ihihiwalay ang masasama sa matutuwid, At sila’y igagatong sa kalan ng apoy: diyan na nga ang pagtangis at ang pagngangalit ng mga ngipin.
Nasa iisang lambat lang yung mabuti at masama, pagdating ng katapusan ng sanglibutan paghihiwalayin sila.
Pero kung yung bintang na hindi nagtitiwalag ang Simbahang Katoliko, hindi totoo. May tinatawag na excommunication.