(Paalala: Bago po basahin ang sumusunod na artikulo, basahin po muna ang “Biyaya, Pananampalataya at Mabuting Gawa“)
Hindi na daw kailangan sumunod sa Kautusan para maligtas sabi ng mga “christian”. Tanggapin mo lang daw si Jesus bilang Panginoon at Tagapagligtas makakapasok ka na sa langit. Minsan nga kapag “nage-evangelize” sila, tinatanong nila ang “ine-ebanghelyohan” nila ng ganito:
“Kung mamamatay ka ngayon, makakaharap mo ang Diyos at tatanungin ka niya, ‘Ano ang dahilan para papasukin kita sa kaharian ko?'”
Diagnostic question daw ang tawag diyan. Kapag sinagot ang tanong na iyan ng “Kasi po sinikap kong mamuhay ng mabuti at banal” para bang may tutunog na buzzer at sasabihin ng Diyos (na parang host ng isang game show) na “Sorry, wrong answer. Laglag ka sa impyerno” dahil ayon sa mga “christian”, ang tamang sagot sa tanong na iyan ay “Kasi po tinanggap ko si Jesus bilang Panginoon at Tagapagligtas” at sasabihin ng Diyos (na parang host ng isang game show), “Congratulations!! You’ve got the correct answer. Pasok ka na sa langit.”
Epekto siguro ng kakanood ng game show?
Ang Biblia na mismo ang nagsasabi na bago makapasok ang isang tao sa kaharian ng Diyos magkakaroon muna ng Paghuhukom ayon sa mga ginawa nito (Mateo 25:31-46, Juan 5:27-29, Roma 2:13,16, 1Corinto 3:8-9, 2Corinto 5:10, Pahayag 20:11-15). Hindi question and answer. Paghuhukom.
Pero sinasabi ng “christians” na hindi na daw kailangan sumunod sa mga utos ng Diyos lalong lalo na ang Sampung Utos para sa kaligtasan ng tao. At ito ay ibinase nila sa….
“Sapagkat ang pagpapawalang-sala ng Diyos sa mga tao ay hindi dahil sa mga gawa ayon sa Kautusan, yamang nakikilala ng tao ang kasalanan sa pamamagitan ng Kautusan.” (Roma 3:20)
“…alam namin ang tao’y pinawawalang-sala dahil sa pananalig kay Jesu-Cristo at hindi dahil sa mga gawa ayon sa Kautusan. Nananalig kami kay Cristo Jesus upang pawalang-sala ng Diyos sa pamamagitan ng pananalig kay Cristo, at hindi sa pamamagitan ng pagtupad sa Kautusan.” (Galacia 2:16)
Sa madaling salita, para sa kanila, hindi mo na kailangan sundin ang Sampung Utos para sa kaligtasan ng isang tao. Para sa kanila hindi mo na kailangang gumawa ng mabuti.
Pero at isa pang malaking PERO, ang Panginoong Jesus mismo ang nagsabi…
“Huwag ninyong akalaing naparito ako upang pawalang-bisa ang Kautusan at ang aral ng mga propeta. Naparito ako , hindi upang pawalang-bisa kundi para ipaliwanag at ganapin ang mga iyon. Tandaan ninyo: magwawakas ang langit at ang lupa, ngunit ang kaliit-liitang bahagi ng Kautusan ay di mawawalan ng bisa hangga’t hindi nagaganap ang lahat. Kaya’t sinumang magpawalang-bisa nito, at magturo nang gayon sa mga tao, ay ibibilang sa pinakamababa sa kaharian ng Diyos. Ngunit ang gumaganap ng Kautusan at nagtuturo na tuparin iyon ay ibibilang na dakila sa kaharian ng Diyos. Sinasabi ko sa inyo: kung ang pagsunod ninyo sa kalooban ng Diyos ay tulad lamang ng pagsunod ng mga eskriba at mga Pariseo, hindi kayo makapapasaok sa kaharian ng Diyos.” (Mateo 5:17-20)
Hindi nagkakasalungat ang sinabi nina San Pablo at ng Panginoong Jesus. Inuunawa ang mga itinuturo ni San Pablo sa liwanag ng Ebanghelyo ng Panginoong Jesus. Hindi vice-versa. At lalong hindi pinagsasalungat.
Ngayon, simulan natin ang pagpapaliwanag sa pangako sa Lumang Tipan….
Kaya sabihin mo sa Israel na ito ang ipinasasabi ko: Lahat ng ginagawa ko ay hindi dahil sa inyo, mga Israelita, kundi sa banal kong pangalan na inyong inilagay-hamak sa mga lugar na ipinagtapunan ko sa inyo. Ipinakikita ko ang kabanalan ng dakila kong pangalan na nalapastangan sa harap ng mga bansa. Makikilala na lahat na ako si Yahweh kung maipakita ko na sa kanila ang aking kabanalan. Titipunin ko kayo mula sa iba’t ibang bansa upang ibalik sa inyong bayan. Wiwisikan ko kayo ng tubig na dalisay upang kayo’y luminis. Aalisin ko rin ang naging mantsa ninyo dahil sa inyong mga diyus-diyosan. Bibigyan ko kayo ng bagong puso at bagong espiritu. Ang masuwayin ninyong puso ay gagawin kong masunurin. Bibigyan ko kayo ng aking Espiritu upang makalakad kayo ayon sa aking tuntunin at masunod ninyong mabuti ang aking mga utos.” (Ezekiel 36:22-27)
Ang pangakong ito ay nagkaroon ng kaganapan sa Bagong Tipan, sa mga Kristiyano. Ang Iglesia, ang Katawan ni Cristo, ang Simbahan na binubuo ng mga Kristiyano ang bagong Israel….
…kung kayo’y kay Cristo, kabilang kayo sa lahi ni Abraham, at tagapagmana ng mga ipinangako ng Diyos. (Galatia 3:29)
Ang mga Kristiyano ang “winisikan ng tubig na dalisay upang luminis”, “binigyan ng bagong puso at bagong espiritu” at “binigyan ng Espiritu ng Diyos upang makalakad ayon sa tuntunin niya at masunod na mabuti ang kanyang mga utos” sa pamamagitan ng binyag sa Espiritu at tubig…
“Sinasabi ko sa inyo”, ani Jesus, “maliban na ang tao’y ipanganak sa tubig at sa Espiritu, hindi siya paghaharian ng Diyos”. (Juan 3:5)
…gaya ng pag-ibig ni Cristo sa iglesiya. Inihandog niya ang kanyang buhay para rito, upang ang iglesia’y italaga sa Diyos matapos linisin sa pamamagitan ng tubig at ng salita. (Ephesians 5:25,26)
Ang tubig ay larawan ng bautismong nagliligtas ngayon sa inyo. Ang bautismo ay hindi paglilinis ng dumi ng katawan kundi isang pangako sa Diyos buhat sa isang malinis na budhi. Iniligtas kayo ng bautismo sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo. (1 Peter 3:21)
Sa pamamagitan ng Binyag, pinapawalang sala ang tao ng Biyaya ng Diyos, at isinisilang siya sa pamilya ng Diyos, ang Simbahan, ang Bagong Israel. At dito tinutupad ang propesiya ng Ezekiel 36:22-27.
Justification has been merited for us by the Passion of Christ who offered himself on the cross as a living victim, holy and pleasing to God, and whose blood has become the instrument of atonement for the sins of all men. Justification is conferred in Baptism, the sacrament of faith. It conforms us to the righteousness of God, who makes us inwardly just by the power of His mercy. Its purpose is the glory of God and of Christ, and the gift of eternal life. [Romans 3:21-26]. (Catechism of the Catholic Church #1992)
Tinatawag na “Sacrament of Faith” ang Baptism dahil Pananampalataya ng Buong Simbahan ang ginagamit na nirerepresenta ng pari, mga magulang, ninong at ninang. (Sa ibang article na ang tungkol sa Sakramento ng Binyag)
Ayon sa Ezekiel 36:27, “Bibigyan ko kayo ng aking Espiritu upang makalakad kayo ayon sa aking tuntunin at masunod ninyong mabuti ang aking mga utos”
Ayon naman kay San Pablo…
Kung kayo’y pinapatnubayan ng Espiritu, wala na kayo sa ilalim ng Kautusan. …ang bung ng Espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, katiyagaan, kabaitan, kabutihan, katapatan, kahinahunan, at pagpipigil sa sarili.” (Galatia 5:18,22-23)
Hinigitan.
Hinigitan ng Espiritu ng Diyos, ng Espiritu ng Biyaya, ang Kautusan. Kung ikaw, ayon kay San Pablo ay ginagabayan ng Espiritu wala ka sa ilalim ng Kautusan. Tama. Kasi ayon sa Ezekiel 36:27, bibigyan ng Espiritu ng Diyos ang kanyang bayan para makalakad ayon sa Kautusan. Paano ka nga naman makakalakad kung nasa ibabaw mo ang lalakaran mo? Ang Biyaya ng Diyos ay higit sa Kautusan. Ibig sabihin ang Biyaya ay nasa ibabaw, wala sa ilalim, ng Kautusan. At kung nasa ilalim ka ng Biyaya ng Diyos (state of Grace) makakalakad ka ayon sa Kautusan at ito ay dahil sa bunga ng Espiritu.
…hindi na hahatulang maparusahan ang mga nakipag-isa kay Cristo Jesus. Wala na ako sa ilalim ng batas ng kasalanan at kamatayan sapagkat pinalaya na ako ng batas ng Espiritung nagbibigay buhay, bunga ng pakikipag-isa kay Cristo Jesus. (Roma 8:1,2)
Perfection ang ginawa ng Panginoong Jesus, hindi Abolition. The New Testament is the perfection of the Old Testament.
Kung mapapansin, sa pangangaral ng Panginoong Jesus sa Mateo 5-7, lagi niyang ginagamit ang mga katagang, “Narinig ninyo noong una’y iniutos sa mga tao…” at pagkatapos ay susundan niya ng “Ngunit ngayo’y sinasabi ko sa inyo…“. Nagpapakita na bilang Salita ng Diyos, siya ang nagbibigay ng perpekto at higit na utos kaysa sa mga nauna. At kung papansining mabuti, mas mahirap sundin ang mga utos na ibinibigay niya (tulad halimbawa ng sa pakikiapid [Mateo 5:27,28]) kaysa sa nauna. Ibig sabihin, hindi niya tinanggal ang naunang utos kundi hinigitan. At ang biyayang tinanggap sa pamamagitan ng Binyag ang nagdudulot para kayanin ng isang Kristiyano na sundin ang mga utos na ito.
Sa Sampung Utos, magmula sa Ika-lima hanggang sa Ika-sampu, ang mga Utos ay puro pagbabawal. Puro “Huwag”. Huwag kang papatay, huwag kang mangangalunya, huwag kang magnanakaw, huwag kang magbibintang sa iyong kapwa, huwag mong pagiimbutan ang pag-aari ng iyong kapwa.
Pero sa Panginoong Jesus, hindi lang puro pagbabawal. May iniutos siya na gawin. Mag-ibigan. Madali lang hindi pumatay, pero mahirap magpatawad at ipanalangin ang iyong kaaway. Pero ito ay iniutos ng Panginoon. At kasabay ng pag-uutos ay ang pagkakaloob ng Biyaya, biyayang nagdudulot sa atin upang makayanang sundin ang kanyang mga utos.
Ang sumusunod sa mga utos ng Diyos ay nananatili sa Diyos, at nananatili naman sa kanya ang Diyos. At sa pamamagitan ng Espiritung ipinagkaloob niya sa atin ay nalalaman nating nananatili siya sa atin. (1Juan 3:24)
Kung Biblia mismo ang nagsabi na ang sumusunod sa utos ng Diyos ay nananatili sa Diyos, paanong mananatili ang mga “christians” sa Diyos kung sinasabi nilang hindi na kailangan sumunod ng mga Kristiyano sa Sampung Utos?
Anong papel ng Sampung Utos ng Diyos sa Kaligtasan ng isang Kristiyano?
Sa tuwing mangungumpisal ang isang Kristiyano, mayroong tinatawag na “Examination of Conscience”. Dito sinusuri ng mananampalataya ang kanyang sarili kung ano ang kanyang mga nagawang kasalanan ayon sa Sampung Utos.
(Para sa maikling paliwanag tungkol sa Sakramento ng Kumpisal, paki-click ang pangungusap na ito.)
May mga guide questions na kailangang sagutin kung anong mga kasalanan ang nagawa niya (sin of commission) at mga mabubuting bagay na dapat niyang ginawa ang hindi niya nagawa (sin of omission).
Bakit nakabatay sa Sampung Utos ang “Examination of Conscience”?
Sapagkat ang pagpapawalang-sala ng Diyos sa mga tao ay hindi dahil sa mga gawa ayon sa Kautusan, yamang nakikilala ng tao ang kasalanan sa pamamagitan ng Kautusan. (Roma 3:20)
Ang bawat nagkakasala ay lumalabag sa kautusan ng Diyos, sapagkat ang kasalanan ay paglabag sa kautusan. (1Juan 3:4)
Hindi pinatatawad ng Diyos ang isang tao dahil sa pagsunod niya sa Sampung Utos; nalalaman ng tao na nagkasala siya dahil sa mga utos na hindi niya nasunod.
Kung ang pagkakasala ay paglabag sa kautusan, paano mo malalaman kung anong mga kasalanan mo? Sa pamamagitan ng Sampung Utos.
Sa tuwing nagkakaroon ng Examination of Conscience batay sa Sampung Utos mas nare-realize ng isang Kristiyano na hindi sya maliligtas sa pamamagitan ng pagsunod sa Sampung Utos, kundi sa pamamagitan ng Biyaya ng Diyos, dahil magmula sa Una hanggang Ikasampung Utos may paglabag na nagagawa ang tao. Habang nare-realize niya na puro paglabag pala ang nagagawa niya, mas mare-realize niya na kailangan pala niya ang Biyaya ng Diyos para masunod ito. (Tingnan Roma 7:7-25)
Wala na ako sa ilalim ng batas ng kasalanan at kamatayan sapagkat pinalaya na ako ng batas ng Espiritung nagbibigay buhay, bunga ng pakikipag-isa kay Cristo Jesus. Ginawa ng Diyos ang hindi nagawa ng Kautusan dahil sa likas na kahinaan ng tao. Sinugo niya ang kanyang sariling Anak sa anyo ng taong makasalanan upang maging handog para sa kasalanan, at sa anyong iyo’y hinatulan niya ang kasalanan. Ginawa niya ang lahat ng ito upang ang hinihingi ng Kautusan ay maisakatuparan sa atin na namumuhay ayon sa Espiritu at hindi ayon sa laman.(Roma 8:2-5)
Hindi masama Kautusan, gaya ng pinalalabas ng mga “christian”…
Ang kautusan ay banal, at ang bawat utos ay banal, matuwid at mabuti. (Roma 7:12)
Yun nga lang, hindi sapat ang kakayahan ng tao para sundin ito. Biyaya lang ng Diyos ang makakapagbigay kakayahan sa isang tao na masunod ang mga utos ng Diyos, biyayang nagpawalang sala sa atin at nagbigay kakayahan sa atin na sundin ang kanyang mga utos.
Ngayon, hindi na mahirap sundin ang mga utos ng Diyos:
…hindi naman mahirap sundin ang kanyang mga utos, sapagkat napagtatagumpayan ng bawat anak ng Diyos ang sanlibutan; at nagtatagumpay tayo sa pamamagitan ng pananamapalataya. Sino ang makapagtatagumpay laban sa sanlibutan? Ang mga sumasampalatayang si Jesus ang Anak ng Diyos (1Juan 5:3-5)
Napansin ko lang, sabi ng Biblia…
Inaaring mga anak ng Diyos ang sumasampalatayang si Jesus ang Mesias, at sinumang umiibig sa amay ay umiibig din sa mga anak. Ito ang palatandaang iniibig natin ang mga anak ng Diyos: kapag iniibig natin ang Diyos at tinutupad ang kanyang mga utos, sapagkat ang tunay na umiibig sa Diyos ay yaong tumutupad ng kanyang mga utos. (1Juan 5:1,2)
Ang tunay na umiibig sa Diyos ay yaong tumutupad sa kanyang mga utos. Pero ang sabi ng mga “christians”, sumampalataya ka lang daw sa Panginoong Jesus. Di na daw kailangang sundin ang mga utos ng Diyos? Bakit kaya nila sinasabi ito?
Siguro kasi….
Kayo na ang bahalang mag-isip. Hehe.
Ngayon, tanungin natin ang Panginoong Jesus kung paano maligtas…
Isang dalubhasa sa kautusang Judio ang lumapit kay Jesus upang siya’y subukin. “Guro, ano ang dapat kong gawin upang magkaroon ako ng buhay na walang hanggan?” tanong niya.
Sumagot si Jesus, “Ano ba ang nakasulat sa Kautusan? Ano ba ang nababasa mo roon?“
Sumagot ang lalaki, “‘Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, buong kaluluwa, buong lakas, at buong pag-iisip;’ at ‘Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.'”
Sabi ni Jesus, “Tama ang sagot mo. Gawin mo iyan at magkakamit ka ng buhay na walang hanggan.”
Upang huwag siyang lumabas na kahiya-hiya, nagtanong pa ang lalaki, “Sino naman ang aking kapwa?”
Sumagot si Jesus, “May isang taong naglalakbay mula sa Jerusalem papuntang Jerico. Hinarang siya ng mga tulisan, kinuha pati ang damit sa kanyang katawan, binugbog, at iniwang halos patay na. Nagkataong dumaan doon ang isang paring Judio. Nang makita ang taong nakahandusay, lumihis siya at nagpatuloy sa kanyang paglakad. Dumaan din ang isang Levita, ngunit nang makita niya ang taong binugbog, lumihis din ito at nagpatuloy sa kanyang paglakad. Ngunit may isang Samaritanong naglalakbay na napadaan doon. Nakita niya ang biktima at siya’y naawa. Nilapitan niya ito, binuhusan ng langis at alak ang mga sugat at binendahan. Pagkatapos, ang lalaki ay isinakay ng Samaritano sa kanyang asno at dinala ito sa bahay-panuluyan upang maalagaan doon. Kinabukasan, binigyan niya ng dalawang salaping pilak ang may-ari ng bahay-panuluyan, at sinabi, ‘Heto, alagaan mo siya, at kung higit pa riyan ang iyong magagastos, babayaran ko sa aking pagbalik.'”
At nagtanong si Jesus, “Sa palagay mo, sino kaya sa tatlo ang naging tunay na kapwa ng taong hinarang ng mga tulisan?”
“Ang taong tumulong sa kanya,” tugon ng abogado. Kaya’t sinabi sa kanya ni Jesus, “Sige ganoon din ang iyong gawin.” (Lucas 10:25-37)
Mapaparam ang sanlibutan at lahat ng kinahuhumalingan nito; ngunit ang sumusunod sa kalooban ng Diyos ay mabubuhay kailanman. (1Juan 1:17)
Ang banal mong kautusa’y sa puso ko iingatan, upang hindi magkasala laban sa iyo kailanman. (Awit 119:11)
hi! berto sa bible ang ay sabbath day,ang araw na yan sabado. bkt sa catholic ay iniba but naging linggo, cnabi ni cristo ibahin natn ang araw ng sabado gawin natin linggo.
Source: https://pilipinongkatoliko.wordpress.com/2013/07/30/ang-sampung-utos-ng-diyos-binago/#comment-1603