Minsan, nagkasakit ako. Nangyari yun ilang buwan pagkatapos ko magdesisyon na bumalik na sa pananampalatayang Katoliko. Yung sakit ko tumagal ng halos isang taon.
Sabi sa akin ng tatay ko, “pinapalo” daw ako ng Diyos dahil sa ginawa ko. Born Again pa siya noon.
Para sa karamihan ng mga Born Again, dalawa ang madalas na dahilan kung bakit nagkakasakit o nagkakaroon ng hindi magandang pangyayari sa buhay ang isang Kristiyano…
Una, pagsubok. Sinusubok ng Diyos ang pananampalataya nung Kristiyano. Blessing in disguised yun. Ipinagpapasalamat sa Diyos kasi isang paraan para lumakas ang pananampalataya.
Santiago 1:2-4 Mga kapatid, magalak kayo kapag kayo’y dumaranas ng iba’t ibang uri ng pagsubok. Dapat ninyong malaman na napatatatag ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng mga pagsubok. At dapat kayong magpakatatag hanggang wakas upang kayo’y maging ganap at walang pagkukulang.
1Pedro 1:6-7 – Ito’y dapat ninyong ikagalak, kahit na maaaring magdanas muna kayo ng iba’t ibang pagsubok sa loob ng maikling panahon. Ang gintong nasisira ay pinaparaan sa apoy upang malaman kung talagang dalisay. Gayundin naman, ang inyong pananampalataya, na higit na mahalaga kaysa ginto, ay pinaparaan sa pagsubok upang malaman kung ito’y talagang tapat. Sa gayon kayo’y papupurihan, dadakilain at pararangalan sa Araw na mahayag si Jesu-Cristo.
1Corinto 10:13 – Wala pang pagsubok na dumating sa inyo na hindi nararanasan ng lahat ng tao. Tapat ang Diyos, at hindi niya ipapahintulot na kayo’y subukin nang higit sa inyong makakaya. Sa halip, pagdating ng pagsubok, bibigyan niya kayo ng lakas upang mapagtagumpayan iyon.
Pangalawang dahilan, “pinapalo” ng Diyos. Ibig sabihin nun para sa mga Born Again, namumuhay sa kasalanan yung Kristiyano. At yung “pagpalo” ng Diyos ay ginagawa dahil gusting itama yung tao mula sa pagkakamali. Tulad ito ng isang ama na nagmamahal sa kanyang anak kaya dinidisiplina niya sa pamamagitan ng pagpalo. Sa malalim na Tagalog “itinutuwid” ang ginagamit na salita.
Hebreo 12:6-7 – Sapagkat dinidisiplina ng Panginoon ang mga minamahal niya, at pinapalo ang itinuturing niyang anak. Tiisin ninyo ang lahat ng hirap bilang pagtutuwid ng isang ama, dahil ito’y nagpapakilalang kayo’y tinatanggap ng Diyos bilang tunay niyang mga anak. Sinong anak ang hindi dinidisiplina ng kanyang ama?
Pahayag 3:19 – Sinasaway ko’t pinapalo ang lahat ng aking minamahal. Kaya’t maging masigasig ka! Pagsisihan mo’t talikuran ang iyong mga kasalanan.
Biblikal at maganda ang katuruan na ito ng mga Born Again. Kaya lang, may isang bagay na itinuturo ang mga Katoliko tungkol sa mga sakit, problema, at paghihirap (o “kamalasan” kung tawagin ng iba) na hindi itinuturo ng mga Born Again.
Kadalasan pa nga sa mga Born Again, hangga’t maaari ayaw nila ng paghihirap. Mapapansin ito sa idea nila ng “instant healing” sa mga worship service nila. Gamitin daw ang pananampalataya para ka makatanggap ng “instant healing”. Wala namang masama o mali sa paggamit ng pananampalataya para humingi ng kagalingan. Kahit ang mga Katoliko ay may Healing Mass para sa mga may sakit. Meron ding Pagpapahid ng Langis para sa kagalingan ng may sakit.
Pero paano kung hindi ibigay ng Diyos ang kagalingan? O kung pagalingin ka niya pero dahan-dahan?
Sa ilang Born Again, iniisip nila na kapag hindi ka pinagaling ng Diyos e nangangahulugan na mahina ang pananampalataya mo. Yan yung inisip ng tatay ko nung umabot ng isang taon yung sakit ko na pwede naman sanang isa o dalawang linggo lang yun.
Pakikiisa sa sakripisyo ni Kristo.
Yan yung wala sa katuruan ng karamihan sa mga Born Again.
Totoo na maaring sinusubok ng Diyos ang ating pananampalataya. Totoo rin na maaaring “pinapalo” tayo ng Diyos dahil sa ating mga kasalanan.
Pero yung mga paghihirap natin kapag nagkakasakit tayo ay maaari nating ialay sa Ama kaisa ng pag-aalay ni Kristo ng sakripisyo niya sa Krus.
Roma 12:1 – 1Kaya nga, mga kapatid, ipinamamanhik ko sa inyo, alangalang sa mga kahabagan ng Dios, na inyong iharap ang inyong mga katawan na isang haing buhay, banal, na kaayaaya sa Dios, na siya ninyong katampatang pagsamba.
Kung papansining maigi, walang sinasabi sa Roma 12:1 na ialay ang katawan kapag malusog lang. Ang sinabi, iharap ang katawan na isang hain. Ibig sabihin kahit malusog o may sakit dapat itong ialay bilang isang haing buhay, banal at kaayaaya sa Dios.
Minsan nagkakasakit tayo dahil sa sarili nating katangahan. Minsan gumagawa tayo ng mga bagay na alam nating kasalanan at posibleng makapagbigay ng sakit sa ating katawan pero ginagawa natin. Kapag ganoon ang nangyayari, maaaring hindi na lang pagsubok ang pagkakaroon ng sakit. Kung isang “palo” ng Diyos. Kung tutuusin, yung “palo” na yun eh hindi naman talaga mula sa Diyos kundi epekto ng ginawa nating kasalanan.
Mapagpatawad ang Diyos. Pinatatawad niya ang kasalanan pero madalas naiiwan yung sakit na epekto ng ginawa natin. May mga kaso na pinatawad ng Diyos ang kasalanan ng tao at instantly pinagaling din niya yung karamdaman….
Marcos 2:5,11-12 – Nang makita ni Jesus kung gaano kalaki ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa paralitiko, “Anak, pinatawad na ang mga kasalanan mo.”…”Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan, at umuwi ka na!” Tumayo nga ang paralitiko. Kaagad nitong binuhat ang kanyang higaan at umalis habang ang lahat naman ng naroroon ay namangha. Sila ay nagpuri sa Diyos at sinabi nila, “Kailanma’y hindi pa kami nakakita ng ganito!”
Pero bihira yung mga ganyang kaso. Nangyayari pero bihira.
Sa panahong pinatawad na tayo ng Diyos, at naiwan ang sakit maaari nating iaalay ang ating katawan – at ang ating sakit – bilang pakikibahagi sa mga paghihirap ni Cristo.
1Pedro 4:13 – Sa halip, magalak kayo sa inyong pakikibahagi sa mga paghihirap ni Cristo upang maging lubos ang inyong kagalakan kapag nahayag na ang kanyang kadakilaan.
Mateo 16:24 Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Ang sinumang nagnanais sumunod sa akin ay kinakailangang itakwil niya ang kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus, at sumunod sa akin.
Hindi matanggap ng karamihan sa mga Born Again ang idea na ang pagkakasakit ng katawan ng tao ay pakikibahagi sa mga paghihirap ni Kristo dahil limitado sa pag-uusig ang ideya nila ng pakikibahagi sa paghihirap ni Cristo o pagpasan ng krus. Hindi ito nakakapagtaka kasi nga dahil sa mahilig ang karamihan sa kanila sa “instant healing” na kapag hinihingi nila sa Diyos eh para bang inuutusan nila ang Diyos at sinasabing “I declare, in Jesus’ name” o kaya “I claim it, in Jesus’ name”. Ang problema sa “I declare, in Jesus’ name” at “I claim it, in Jesus’ name” e paano kung hindi kalooban ng Diyos na pagalingin ka? O kung kalooban man niya e sa paraan na dahan-dahan at hindi sa “instant healing”?
Isang dahilan yan kung bakit mas madalas na “Ama Namin” ang dinadasal ng mga Katoliko kesa sa sariling panalangin. Sinasabi doon na “sundin ang loob Mo dito sa lupa para nang sa langit”. Ibig sabihin, pagalingin ka man ng Diyos o hindi, o pangalingin ka man niya sa mabilis o mabagal na paraan, tinatanggap mo ang kalooban ng Diyos. Sumasalamin ito sa panalangin ng Panginoong Jesus na ayaw sana niyang mahirapan pero dahil kalooban ng Ama na siya ay maghirap tinanggap niya ang paghihirap na ito…
Marcos 14:36 – Nanalangin siya, “Ama ko, Ama ko! Magagawa mo ang lahat ng bagay. Alisin mo sa akin ang paghihirap na ito, ngunit hindi ang kalooban ko kundi ang kalooban mo ang masunod.”
Sa pananalangin ng “Ama Namin” at pagtanggap sa paghihirap (kung kalooban ng Diyos na tayo ay mahirapan) tayo ay nakikiisa kay Kristo.
Ang dalisay na handog ni Kristo sa Krus lamang ang handog na katanggap-tanggap sa Ama, at tayo bilang mga nakiisa sa kanya ay nararapat na makiisa sa kanyang paghihirap at ialay ang ating mga sakripisyo kaisa ng kanyang sakripisyo sa Krus ng kalbaryo.
Minsan, yung head pastor ng “church” namin ay nagpunta sa bahay ng isang matandang may malubhang karamdaman. Kamag-anak siya ng isang “churchmate” namin. Nakita ni head pastor na may imahen ng itim na Nazareno sa kwarto ng matanda. Sabi ng head pastor sa matanda, “Tatang, ipapanalangin ko sa Diyos ang inyong kagalingan (tingin ko, “instant healing” ang tinutukoy niya), sa isang kondisyon: itapon niyo po yang diyus-diyosan ninyo.” Hindi pumayag ang matanda. At tuluyang namatay paglipas ng ilang…di ako sigurado kung araw, linggo o buwan.
Hindi alam ni pastor na sa imahen ng Poong Jesus Nazareno nakikita ng mga Katoliko ang isang Hari na hindi mahirap abutin dahil sa kanyang karangalan. Isang Hari na naghihirap, may korona pero may pasan na krus. Hindi niya alam na sa tuwing nakikita ng mga Katoliko, lalo na ng mga Pilipino, ang imahen ng Poong Jesus Nazareno naalala nila na ang paghihirap nila ay pakikiisa sa paghihirap ng Haring may Korona na may pasan na Krus. Hindi niya alam na dahil kay Kristo LAHAT ng paghihirap at sakripisyo nating mga Katoliko ay may malalim na kahulugan para sa atin. Hindi niya alam na kaya nakingiti tayong mga Pilipinong Katoliko sa kabila ng mga delubyo na nararanasan natin ay dahil alam nating pagkatapos ng Krus may Korona. Dahil kay Kristo walang paghihirap na dala ng “kamalasan”.
Hindi nila alam na mayroon tayong pananampalataya hindi lang para humingi ng kagalingan kundi tanggapin ang paghihirap at magsakrispisyo na may kaloobang sumasamba sa Diyos.
Hindi nila alam…
Hindi nila alam…
Hindi nila alam…
“Ang pagpapala ko ay sapat sa lahat ng pangangailangan mo; lalong nahahayag ang aking kapangyarihan kung ikaw ay mahina.” Kaya’t buong galak kong ipagmamalaki ang aking mga kahinaan upang lalo kong madama ang kapangyarihan ni Cristo. Dahil kay Cristo, walang halaga sa akin kung ako ma’y mahina, kutyain, pahirapan, usigin at magtiis. Sapagkat kung kailan ako lalong mahina, saka naman ako nagiging malakas.
-2Corinto 12:9-10
(Ang article na ito ay inaalay ko sa isang tao na malapit sa aking puso – isang deboto ng Mahal na Ina – na ngayon ay may stage 3 cancer. I know you can make it. We love you.)
“Hindi nila alam na mayroon tayong pananampalataya hindi lang para humingi ng kagalingan kundi tanggapin ang paghihirap at magsakrispisyo na may kaloobang sumasamba sa Diyos.”
AMEN!!!!
Regarding po sa kakilala nyo na may cancer, pwede nya po i-try ang mga guyabano juices. Madami po sa ‘market’. May nabibili po sa SM. Ilalaga na lang. Ang mother ko nagka cancer na din. At dahil sa awa ng Diyos nalampasan namin. Araw araw po sya umiinom ng guyabano juice. Of course with faith and ‘obedience’ sa kalooban ng Diyos na din.
Salamat. Naga-undergo na siya ng treatment. Accupuncture. Sa Natural treatment.