Minsan may nagtanong sa akin kung ano daw ang pinakamagandang gamitin na version ng Bible para “pangsupalpal” sa mga Protestante.
Natawa tuloy ako. Kasi ang purpose ng pagbabasa niya ng Biblia e para “supalpalin” ang mga Protestante.
Haha! Funny!
Kung ang purpose ng pagbabasa ng Biblia e para ipakipagdebate, sigurado akong hindi magma-mature yung mga gumagawa ng ganun.
May mga nagbabasa ng Biblia na ang purpose e para ipambala sa debate. Meron naman para maghanap ng kung anong bagay na verse sa kung kanino.
Pero ang pangunahin at pinakamataas na layunin ng pagbabasa ng Biblia ay para kilalanin ang Panginoong Jesus.
Sa personal kong pananalangin, Catholic edition ang gamit ko – yung may imprimatur at nihil obstat.
Ang kagandahan ng pagiging Katoliko e may gumagabay na Simbahan sa pagbabasa ng Biblia. Kung Katoliko ka hindi mo poproblemahin ang doktrinal na interpretasyon ng Biblia. Ang po-problemahin mo na lang eh kung paano ba isasabuhay ang binabasa mo; practical matters.
Maaaring napapansin ng ilang readers na kapag gumagawa ako ng article e puro Protestant versions ng Biblia ang ginagamit ko. Ginagamit ko ang Protestant versions sa pagsulat ng articles para ipakita na kahit ang Protestant versions ng Bible e makikita ang Katotohanan na itinuturo ng Simbahang Katoliko.
Ang hirap kasi sa ibang Protestante kapag tinutuligsa ang pananampalatayang Katoliko, buong yabang na ipinagmamalaki na ang ginagamit niya e Bibliang Katoliko. Pero kapag ipinaliwanag na ng Katoliko ang Pananampalataya niya gamit ang Bibliang Katoliko sasabihin, “E bias yang Bible niyo, Catholic version yan eh. Binago-bago na yan.” Kaya para hindi “bias” at hindi “binago-bago”, Protestant version ang ginagamit ko.
Yun eh sa pagpapaliwanag ng Pananampalatayang Katoliko.
Pero kung sa pananalangin at pagninilay-nilay ng Katoliko, ang (ginagamit at) inirerekomenda ko e Catholic editions:
- Magandang Balita Biblia (may Deuterocanonico)
- Biblia ng Sambayanang Pilipino
- Ang Banal na Biblia (salin ni Msgr. Abriol)
- Douay Rheims Version
- New American Bible
- Jerusalem Bible
Ulit lang po, ang pangunahing layunin ng pagbabasa ng Biblia ay ang kilalanin ang Panginoong Jesus at ang mapalapit tayo sa Diyos. Bago pag-aralang ipambala ang mga versiculo ng Biblia sa debate, pag-aralan munang magdasal at manalangin gamit ang mga ito. Bago isipin kung anong bagay na verse kay ganito o kay ganyan, isipin muna kung paano babaguhin ang sarili ayon sa mga nabasa.
Dahil fixed na ang daily readings ng Simbahang Katoliko, mas maganda kung may kopya ka ng Bible reading guide. Pwedeng humingi sa Philippine Bible Society, sa St. Pauls Bookstore, o kaya sa religious store sa inyong parokya.
Isang kagandahan din ng pagiging Katoliko ay nagkakaisa ninyong binabasa ang Biblia araw-araw. Ibig sabihin, ang readings dito sa Pilipinas ay pareho sa Roma sa bawat araw (syempre, may mga ilang pagbabago sa mga feast days). Dito makikita pa rin na kahit nagsosolo kang nagbabasa at nagninilay ng Biblia ay kaisa mo pa rin ang buong Katawan ni Cristo – kahit nasa magkakaibang lugar kayo.
Ang mga pagbasa na ito sa araw-araw ay ang parehong pagbasa na ginagamit sa Misa.
Ito po ang guideline sa pagbabasa ng Biblia…
- Hilingin sa Panginoon na mauunawaan ang Kanyang Salita. Dasalin ang “Panalangin bago magbasa ng Bibliya”.
- Dahan-dahang basahin ang mga bersikulo at pagnilayan ang mga ito. Pakiramdaman kung may mga salita at pangungusap na nakaaantig sa iyong puso samantalang binabasa mo ang Salita ng Diyos.
- Tumigil sandali upang bigyang pansin ang mga salitang nakaantig sa iyong puso at pagnilayan ang kahulugan nito sa iyong buhay.
- Makipag-usap sa Diyos tungkol sa mga salitang nakaantig sa iyong damdamin. Katulad ng isang matalik na kaibigan, ipahayag sa kanya ang iyong nadarama.
- Itanong mo sa iyong sarili: “Ano ang itinuturo sa akin ng bersikulong ito tungkol sa Diyos? Tungkol sa aking sarili? May mga halimbawa ba na dapat kong ituwid? May tungkulin ba na dapat kong isagawa? Ano ang hinihiling ng Diyos sa mga bersikulong aking nabasa? Pagpapatawad? Pagbabalik-loob? Pananampalataya? Pagmamahal? Pag-asa?
- Manatiling tahimik sa harap ng Diyos at ipaubaya ang iyong sarili at buong buhay sa Kanya. Ialay sa Diyos ang anumang bumabagabag sa iyo at ang pangangailangan ng iyong mga mahal sa buhay.
- Dasalin ang “Panalangin pagkatapos magbasa ng Biblia”.
“Panalangin Bago Magbasa ng Biblia”
Amang Diyos, ipadala Mo po ang Iyong Banal na Espiritu. Tulungan Mo po akong magnilay sa Iyong Salita nang may pananampalataya, itanim ito sa aking puso nang may pag-asa at isabuhay ito nang buong pagmamahal, ayon sa halimbawa ni Cristong Anak Mo na nabubuhay kasama mo at ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan. Amen.
“Panalangin Pagkatapos Magbasa ng Biblia”
Panginoon, tulungan Mo ako na ang Iyong Salita ang maging tanglaw sa aking landas. Nawa ang kapangyarihan nito ang magbigay lakas sa akin upang mamuhay ako bilang Iyong anak at tunay na saksi ng Iyong pag-ibig. Amen
Mas maganda kung may journal ka, para kapag sasagutin mo yung mga tanong sa #5 isusulat mo. Tapos pwede mong balikan sa ibang araw yung mga naging sagot mo.
“Ang kamangmangan sa Banal na Kasulatan ay kamangmangan sa pagkakakilala kay Cristo.” – San Jeronimo.
Kaya tama na muna ang kakabasa ng blog ko, kunin ang Biblia, magbasa, magnilay at manalangin.
Credits sa Guidelines at sa dalawang Panalangin: Daughters of St. Paul Philippines, quoted from “Ang Banal na Biblia (salin ni Msgr. Abriol)”
Mabuhay ka Kuya Berto! ^____*
Ika’y lagi kong isasama sa aking mga panalangin.
Sa aking puso, sikat ka na. Kaya ‘wag mo na sabihing walang nakakaalam. Hehe.
Indeed, you are one of God’s instruments. More power and may God bless you more! ❤
#mynewfaveblogger #mynewtambayanblogsite #iamafan
Marami pong salamat Ms. Aiza 🙂