Dismayadong dismayado ang tatay ko noong nag-Katoliko ako.
Inaasahan kasi niya na magiging pastor ako, born again pastor. Kaso hindi nangyari. Bumalik ako sa pananampalatayang Katoliko, at sa pananaw niya naligaw ako. Ligaw na ligaw.
Madalas kong naririnig noon ang tatay ko na sinasabi sa ate ko na, “si Robert nagsarili na ng lakad”. Ibig niyang sabihin, hindi na daw ako niniwala sa katuruan ng Biblia. Ang totoo, hindi naman ako nagsarili ng lakad. Sinundan ko lang yung nilakaran ng mga Kristiyano dalawang libong taon na ang nakalilipas.
Gusto ko sanang ipaliwanag sa kanya LAHAT. Lahat ng tungkol sa kung bakit pinili kong maging Katoliko. Kaso sa tuwing nag-uusap kami, laging nauuwi sa pagtatalo.
Kaya ang nangyari lahat ng hindi ko maipaliwanag sa tatay ko dinala ko lahat sa internet. Sa mga Facebook groups. Doon ako nakipagdebate. May kasamang murahan, laitan, insultuhan etc.
Pero napag-isip-isip ko na nakakahiya na relihiyon ang pinag-uusapan pero nagmumurahan, naglalaitan at nag-iinsultuhan ang mga nag-uusap. Hanggang sa napagod ako…sa murahan, laitan at insultuhan…pero hindi sa pagpapaliwanag ng Pananampalatayang Katoliko.
Noong una, wala naman talaga akong balak na gumawa ng blog. Pero dahil nga tumigil ako sa pakikipagdebate sa Facebook, kailangan ko na may mapaglalagyan ng mga gusto kong sabihin. Hindi kasi ako mapakali kapag hindi ko nailalabas yung mga ideya sa utak ko. Kaya yung ilang idea ginagawa kong status sa FB, yung iba naman nakasulat lang sa journal ko. (Isang problema sa FB, kapag natabunan yung dati mong status, mahirap nang hanapin.)
Yung mga status ko, minsan maraming nagla-like. Kaya pumasok sa isip ko, “ano kaya kung mag-blog din ako, may magbabasa kaya?”. Naisip ko na baka wala namang magkakainteres na magbasa, kaya di ko agad tinuloy.
Pero dumating yung time na may blog ng Catholic Apologist na nawala dahil nireport, palamura daw kasi yung blogger. Nakakahiya mang sabihin, pero totoo, palamura nga naman kasi yung blogger.
Nun ko naisip na tuluyan nang gumawa ng blog. Hindi dahil kaya kong tapatan yung galing nung blogger na nawalan ng blog dahil palamura siya, kundi para tangkain na baguhin ang kalakaran ng pagpapaliwanag ng pananampalatayang Katoliko.
Marami na kasing natututong kabataan noon (nakaraang taon) na mag-apologetics…at mangmura, manglait at mang-insulto. Ok na sana yung apologetics, isinama pa yung tatlong huling nabanggit. Naisip ko, maganda siguro kung against the flow naman…saliwa sa ginagawa ng ilang Katolikong nagtatanggol ng Pananampalataya. Saliwa sa paniniwala ng ilan na dapat nagmumura, dapat nanglalait, dapat nang-iinsulto kapag nagtatanggol ng Pananampalataya.
Minsan, inisip ko, ano nga bang dahilan ng marami at ipinagtatanggol nila ang pananampalatayang Katoliko? Para “masupalpal” at “macheckmate” ang mga kadebateng protestante? Pagkatapos?
Ginawa ko itong blog na ito hindi para “masupalpal” (kasi hindi ito basketball) at hindi para “macheckmate” (kasi hindi ito chess) ang mga protestante. Ginawa ko ito para maipaliwanag ang pananampalatayang pinili ko….kung anong meron dito at bakit ito ang pinili ko.
Pinili kong ang pagpapaliwanag e lagyan ng personal na sharing ko para makarelate ang nagbabasa. Dalawa ang nakikita kong problema sa ilang nagpapaliwanag ng Pananampalatayang Katoliko: kung hindi sobrang babaw – puro kwento lang na may moral lesson, sobrang lalim naman – ipinapaliwanag ang pananampalataya kaso masyadong Theological at Philosophical, na punung puno ng nakakadugo ng ilong na terminolohiya at English pa – kaya hindi masyadong gets ng ilang Katoliko, kaya kinalaunan iniiwan nila ang kanilang pananampalataya. Hindi totoong walang nagpapaliwanag ng Pananampalatayang Katoliko. Meron, marami, hindi nga lang sila naka-relate (o baka hindi nakinig, minsan [o madalas] kasalanan din nila eh).
(Dalawa yung nakita kong problema, pero hindi nangangahulugan na masama yung dalawang paraan na iyon ng pagpapaliwanag ng Pananampalatayang Katoliko)
Isa itong pagtatangka. Alam ko na hindi ako ang unang gumawa, at hindi orihinal ang mga sinasabi ko. Isang kagandahan ng pagiging Katoliko, dahil dalawang libong taon na ang Simbahan at ang kanyang mga turo, ready-made na ang sagot. Sasabihin mo na lang sa sarili mong pamamaraan. Sa style na lang magkakaiba, pero sa laman pare-pareho (as long sa Faithful sa turo ng Simbahan).
(Mahirap lang sa pagpapaliwanag ng Pananampalatayang Katoliko, ang bawat doktrina ay parang sapot ng gagamba na magkaka-ugnay-ugnay. Halimbawa, kapag pinag-uusapan ang Mother of God, mapupunta ang usapan sa Divinity of Christ, pag napag-usapan ang Divinity of Christ nauuwi ang usapan sa Trinity. Kaya hindi maaaring ipaliwanag ang lahat sa isang article lang. Kaya ginagawa ko ang hyperlink, o ang pag-uugnay ng isang o higit pang article sa iba pa)
Pinili kong medium ang wikang Filipino, dahil…ehem, aaminin ko na, weakness ko mag-English. Hehe. Pero bukod dun, mas madali kasing iparating ang mensahe gamit ang wikang sanay na sanay at gamay na gamay akong gamitin. Di ko kailangang magmukhang matalino, o magmukhang may mataaas na pinag-aralan sa pamamagitan ng pa-English-English (paglilinaw: di lahat ng nagi-English e nagyayabang). Ang importante para sa akin ay maiparating sa mga Pilipino ang mga Aral ni Cristo na ipinagkatiwala niya sa kanyang Simbahan.
Pilipinong Katoliko.
Kaya ayan ang ginawa kong title ng blog eh….wala. Wala akong ibang maisip. Hehe. Hindi related ang blog na ito sa 100% Katolikong Pinoy page sa FB, pero marami akong ipagpapasalamat sa mga admin ng FB page na iyan dahil marami akong natutunan sa kanila. Isa siguro sa dahilan kung bakit Pilipinong Katoliko ang pinili kong pangalan e para madaling i-justify yung dahilan kung bakit hindi ako nagi-English. Hehe.
Ang totoo, noong nakaraang taon, nung binubuo ko ang blog na ito unti-unti akong nagiging deboto ng Nazareno, Sto. Nino, Our Lady of La Naval…tapos kainitan ng usapin tungkol sa pagdedeklarang Santo kay Pedro Calungsod. At dahil idedeklarang Santo si Pedro Calungsod noon, nabalikan ang kasaysayan ng pagdedeklarang Santo kay San Lorenzo Ruiz. Kaya naisip kong gawing “Maka-Pilipino” ang aking blog.
Sa pagbuo ko ng blog na ito, lagi kong nasa isip yung mga lolo at lola na marubdob ang pagpractice ng pagka-Katoliko pero kapos sa kaalaman para ipaliwanag ang kanilang pananampalataya sa mga apong naging protestante, kaya sila ay pinagtatawanan ng mga ito. Kaya sila pinagtatawanan dahil sa kakapusan ng kaalaman, nauuwi sa pamahin ang kanilang paliwanag ng pananampalataya.
(Isang halimbawa e yung pamahiin na bawal maligo pag Biyernes Santo. Ang dahilan e ang mga Pilipino noong unang panahon [kahit hanggang ngayon] e mahilig maligo. Sa katuruan ng Simbahan, tuwing Biyernes Santo, bilang pakikiisa sa paghihirap at pagkamatay ng Panginoong Hesus iniiwasan ng mga Katoliko na gawin ang mga bagay ng pleasurable bilang fasting and abstainance, at isa rito ang paliligo)
Nasa isip ko rin palagi ang mga taong hindi maalam sa pananampalatayang Katoliko na nagkaroon ako ng bahagi noong ako ay protestante pa para iwan nila ang pananampalatayang napakaganda at subok na ng panahon. Pwede kong sabihin na ginawa ko rin itong blog na ito bilang penance sa mga kasalanan ko noon laban sa Simbahang Katoliko.
Bilang pagtatangka na maging “against the flow” ng blog na ito, sinikap ko na ang bawat pagpapaliwanag ng katuruan ng Simbahan ay hindi maging isang pagtatanggol ng pananampalataya para “masupalpal” ang mga tumutuligsa kundi para tangkaing ipaliwanag ang Pananampalatayang Katoliko at kung anong epekto nito sa pamumuhay natin bilang Kristiyano. Kaya hindi nakakapagtaka na sa naka-ayon sa idea ng worship at idolatry ang pagpapaliwanag ko tungkol sa Sampung Utos at sa issue ng mga rebulto.
Karamihan ng articles ko, galing sa spiritual journal ko. Kaya, itong blog na ito ay pagbubukas ng personal kong journal sa publiko (E ano naman, sino ba ako? Hehe.)…na sana e makakatulong sa pananampalataya ng bumabasa.
Ang unang unang article na ginawa ko ay tungkol sa worship: Unang Sulyap sa Pagsamba, Unang Hakbang sa Pagbabalik sa Simbahang Katoliko. Kasi naniniwala ako na nilikha tayo ng Diyos para sambahin siya, hindi para magtanggol ng pananampalataya. Ang pagtatanggol ng pananampalataya ay nagmumula sa pusong nagnanais na ipagtanggol ang Diyos na minamahal at sinasamba niya. At naniniwala ako na mas makapangyarihan ang pagtatanggol ng pananampalataya kung mahal talaga ng nagtatanggol ang Diyos, kung puno ng presensya niya ang puso ng nagtatanggol. Kaya ang kauna-unahang desire dapat ng Katoliko e hindi kung paano maging apologist, kundi kung paano maging worshiper.
Isang taon. Hindi ko masasabing mahusay at magaling akong Catholic blogger…pero nagsusumikap akong makatulong sa Simbahan sa pamamagitan ng mga article kong kapos sa husay sa pagpapaliwanag.
Marami nang nauna, maraming mas mahusay, maraming mas matalino…pero sa biyaya ng Diyos, nagsusumikap ako hindi para maging una, hindi para maging mahusay, hindi para maging matalino…kundi para maging mabuting tao.
Sa loob ng isang taon humigit kumulang isandaan at limampu na posts ko (hindi lahat original ko), pero isang tao lang ang nangmura sa akin sa blog ko. Bakit? Naniniwala ako na kung ano ang gagawin mo sa kapwa mo yun ang gusto mong ibalik niya sa iyo. Siguro gusto nung nangmura na murahin ko rin siya, pero bilang Kristiyano gusto kong irespeto ako ng tao, kaya hindi ako nakipagmurahan…at awa ng Diyos di na niya ako minura at marespeto naman kausap ang ibang mga nagkokomento sa blog ko.
Kaya hindi totoo ang sinasabi ng mga apologists na palamura na necessity ang pagmumura. Yabang lang yun, at kakulangan ng pagpipigil sa sarili.
Ngayon, hindi man natupad ang pangarap ng tatay ko (noong pareho pa kaming born again) para sa akin: maging pastor, hindi naman ako naging walang kwenta nung nag-Katoliko ako. Nagamit ko ang teknolohiya sa pagbabahagi ng mga Aral ng Panginoong Hesus. Naging blogger ako.
Maraming salamat po sa mga nagbabasa, nagkokomento, nagse-share ng link nito, at higit sa lahat sa mga nananalangin para sa akin.
Salamat din po sa mga nag-share ng articles nila sa blog ko (at sa mga magse-share pa).
Salamat sa Diyos, ampogi ko. hahaha! Joke lang po.
Salamat sa Diyos may (konting) talent pala ako sa pagsusulat, iniaalay ko po ito sa inyo para sa inyong kaluwalhatian.
Salamat sa Panginoong Hesus, sa sobrang pagmamahal niya sa atin kahit umakyat na siya sa langit kasama pa rin natin siya ng buong buo sa Banal na Eucharistia. Pambihirang pag-ibig.
Salamat po Mama Mary, for your love and intercession. Alam ko na hindi nagkataon lang na October 13 ang Birthday ng blog ko.
Vivat Jesus!
Ad Majorem Dei Gloriam!